Saan patutungo ang mga makata kung itinatali niya ang kanyang mga prosa sa haligi ng pagkatimawa? Ikinakahon sa apat na sulok ng kamangmangan; hinubog ng sarili ang mga obra at kilala ang sarili lamang. Mapurol ang pinanday na mga kataga na di-kayang sugatan ang katawan ng lumulukob na panlilinlang. Binibigyang buhay ang imaheng di-gagap ang pinagmulan at patutunguhan. Pinapagalaw ang malikot na pag-iisip ng walang hanggang pagtatanong at pagdududa.
Koronang laurel ang putong sa ulo ng mga huwad na paham dito sa lupa; kapangyarihang magtayo ng nakakasilaw na orakulo sa tuktok ng bakurang kanilang inuupuan; katiwala ng mga bulag na bathala ng isinusumpang kuta. Nangungutya at naghusga na ang
Saan patutungo ang makata kung ang namumukadkad niyang kapanatilihan ay iniluluoy ng sakim na lupa? Agunyas ang ibinubulong ng hangin; mga paghibik na isa-isang binusalan upang maging mga piping saksi sa pagkabuwal ng magiting na pluma sa kamatayan. Habang ang pilit na katahimika’y pinapahimbing ng malamig na dasal ng panunuya, ng haplos ng nakatanod na diyablo sa maliwanag niyang mukha, ng isang libo’t isang sugat sa mukha ng buwan; ang papalayong langit na hindi na mangyayaring mayakap pa; ang natutuyong bakas sa nagbabagang lupa: ang larawan ng naging isang karaniwang tema.
Samantalang walang bantayog na nakalaan para sa kanilang mga makata, ang kanilang mga gunita’y inuuki na na mata ng sigwa.